Patungkol sa Aking Sarili

Elle Requiem.

Hindi ito ang tunay kong pangalan.

Ako ay isang normal na babae, sa aking pagkakaalam, at sa tingin ko naman ay ganoon rin ang tingin sa akin ng aking mga kaibigan. Ang ibig kong sabihin, natitirang kaibigan. Lahat ng umangal kasi na normal ako ay biglaang nawala sa hindi malamang dahilan o natagpuang walang buhay sa mga ilog, abandonadong gusali, at kung saan-saan pa. Bakit? Hindi ko alam. Ako man ay nagtataka kung bakit ganoon ang kanilang naging mga kapalaran.

Biro lamang. :)

Naisipan kong gumawa ng blog kung saan tagalog ang pangunahing lenggwahe dahil nais kong masanay ang aking talento, kung meron man, sa pagsusulat ng mga nobela o maiikling kwentong tagalog. Ang totoo, nais kong magpadala ng aking mga gawa sa mga Tagalog Novels Publishers. Ngunit sa tuwing sinusubukan kong magsimula, pakiramdam ko ay pagkapangit-pangit ng pagkakasulat ko sa kwento. Siguro ay kailangan ko ng praktis. Kaya heto, nag-eksperimento ako. Nakapagbasa ako ng mga nobela, tagalog at ingles, at naisipan kong gusto ko ring magkaroon ng ganoon. May mga ilang istoryang naglalaro sa isip ko at nais kong bigyang buhay ang mga iyon. Mahilig talaga akong mag-imagine. Tuwing bago ako matulog, nag-iimagine ako ng mga eksenang nais kong mangyari sa palabas na sinusubaybayan ko. Iyon siguro ang dahilan kung bakit mahilig akong sumulat ng mga fan fictions. Noong bata ako, wala akong kalaro. Meron akong kapatid ngunit palagi kaming hindi nagkakasundo kaya magkahiwalay kaming maglaro. Kaya sa akin, ang laro ay yung nakatanga ako tapos sinusulat ko sa isip ko kung anu man ang nais kong mangyari sa anime na pinanuod ko. Kasi naman, bakit yung iba, ayaw nilang pasayahin ang mga manunuod? Hay, ewan.

Mahilig pala akong manuod ng anime. Gusto ko yung mga reverse harem. Gusto ko rin yung mga may aksiyon, mga ninja, samurai, etc. Syempre, dapat kahit papaano, may konting patak na love story. Ayoko ng maraming babae sa istorya. Weird ba? Hindi naman di ba? Ayoko lang na nakakawawa yung paborito kong karakter. Tsaka, di ba cool pag ganun? Maraming bishies! Alagang-alaga yung paborito kong karakter. Ay, weird nga ata.

Pangarap kong matutong tumugtog ng piano, gitara, violin, at cello. Wala kasi akong talent pagdating sa pagtugtog. Naiinis nga ako e. Pakiramdam ko kasi, huli na para mag-aral pa ng mga ganyang bagay. Matanda na kasi ako. Wala rin akong oras. At wala rin akong instrument. Paano ako matututo?

Pangarap ko ring gumawa ng sarili kong manga. Noong hayskul ako, kinontrata ko yung magaling mag-drawing ko na kaibigan para tulungan ako sa paggawa ng sarili naming komiks. Wala rin kasi akong talent sa pagguhit. Naging matagumpay ang unang chapter, ngunit sa kasamaang palad, isang beses naisipan kong umabsent, isang absent lang talaga, nawala nila - wala akong kasalanan, absent nga ako e - ang ginawa naming komiks. Medyo nalungkot ako. Matagal kasi bago namin natapos ang komiks na iyon. Pero okay lang din. Nasa utak ko pa naman yung istorya. Pero sayang pa rin. Hindi ako nagsusulat sa klase dahil iyon ang inaasikaso ko. Gumawa ako ng parang draft, stick figures lang ang drowing tapos tsaka iaayos ng kaibigan ko. Iyong isa pa naming kaibigan naman ang taga-sulat ng mga dialogues. Wala rin kasi akong talent sa ganoong bagay. Pangit ang sulat ko. At iyon, nabuo nga itong si komiks. Tapos na-kidnap. Sinusumpa ko talaga kung sino man ang may hawak ng kopyang iyon.

Paborito ko ang Harry Potter. Overnight kong binabasa ang isang volume. Tuloy-tuloy kasi akong magbasa noon. Hayskul pa nga ako nun e. [Ang sipag ko nung hayskul no?]

Speaking of hayskul, oo, inaamin ko na po. HINDI AKO MASIPAG. Pumapasa naman e. Kaya okay lang. XD. Hindi ako nagsusulat sa notebook. Kapag tinignan mo ang kwaderno ko, puro drowing lang na kung anu-ano. Kaya naman kapag pirmahan na ng clearance, isa ako sa mga palaging nahuhuli makapag-papirma. Hindi maganda ang Transcript of Records ko nung hayskul. Nagkaroon ako ng mga grado na hindi kaaya-aya sa mata. Pero okay lang ito sa akin noon. Okay lang sa akin kahit hindi ako yung pinakamataas, ang ayoko lang ay yung ako ang pinakamababa. Biba ba ako noon? Hindi ko alam. Mahilig lang akong sumabad. Kapag alam ko naman ang sagot, sumasagot naman ako noon. Agreeable naman ang mga resulta ng exams ko noon. Minsan, yung iba, nabibigla sa akin. Lalo na nung mga second year pa lang ako. Hindi kasi ako mukhang matalino. Meron lang isang subject na hindi ko pinasukan. Ayoko kasi sa guro ko noon. Palagi pa akong late sa klase nya. Kapag late ka pa naman, hindi ka na nya papasukin sa klase. Kaya ayun, hindi ko na talaga sya pinasukan. Pero binigyan nya ako ng mababang grade, kaya napilitan akong magsipag at pasukin ang klase nya. Hindi ako kasama sa Top 10. Pero kasama naman ako sa mga Recognition Day. Kahit paisa-isa, meron na naman akong mga awards.

Anti-social ba ako? Hindi naman siguro. Meron lang talagang mga taong hindi mo ka-linya. Yung tipong hindi kayo pareho ng gustong pag-usapan. Kaya mas pinipili mo pang tumanga na lang. Sabi ng iba, suplada raw ako. Kapag nakakasalubong ko raw sila, hindi ko raw sila pinapansin. E anong magagawa ko? E sa hindi kita nakita talaga. O baka ayaw kitang makita, hindi ka nalang tinignan ng mata ko. Ang totoo, ayokong bumati kapag may nakakasalubong akong kakilala na hindi ko masyadong close. Minsan kasi, para akong ngumingiti sa hangin. Parang baliw. Sinong suplada?


Marami pa akong kwento tungkol sa buhay ko. Pero feeling ko hindi na kayo interesado. Puro kalokohan lang naman iyon. Kalokohan, iyan kasi ang talent ko. XD

0 comments:

Post a Comment

About this blog

Blog Archive